
“Hawak natin ang beat.”
Pahayag ito ni House Committee on Justice at Batangas Rep. Gerville Luistro bilang pagbibigay-diin sa eksklusibong kapangyarihan ng House of Representatives na simulan ang impeachment proceedings alinsunod sa Konstitusyon.
Mensahe ito ni Luistro sa harap ng mga petisyon na inihain ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa Supreme Court para pigilan ang impeachment proceedings sa Kamara.
Ayon kay Luistro, malinaw ang pagkakaiba ng tungkulin ng Kamara at ng Senado.
Papel aniya ng Kamara na suriin at alamin kung may sapat na basehan para dalhin ang kasong impeachment sa Senado na siyang hahatol kay VP Sara.
Paliwanag ni Luistro, ang ginagawa ng komite ay hindi trial kundi pagdetermina kung may sapat bang batayan para umusad ang proseso.
“we have the exclusive power to impeach at ang ibig sabihin ng “exclusive” ay malinaw: Sa Kamara nagsisimula ang impeachment process. Sa atin ang unang galaw.Sa atin ang direksyon.Gaya ng sabi ng mga kabataan, ‘hawak natin ang beat.’
At sa kapangyarihang ito,pananagutan sa taumbayan ang dapat manaig. No other consideration must prevail except what is best for the country.” —Rep. Luistro
Sa kaniyang opening statement ay muli ding iginiit ni Luistro na patuloy din ang pag-aksyon ng Kamara para matugunan ang pandaigdigang krisis habang isinasakatuparan ang mandato sa pagsusulong ng pananagutan sa pamamagitan ng impeachment proceedings.










