
Inihain ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc ang House Resolution No. 992 na humihikayat sa buong Kamara na kondenahin ang pagpapaputok ng Tomahawk missile sa ilalim ng isinasagawang Balikatan Exercises sa pagitan ng tropa ng Pilipinas at Amerika.
Tinukoy sa resolusyon ang Tomahawk Land Attack Missile na inilunsad nitong May 5 mula sa Tacloban Airport patungong Laur, Nueva Ecija na parehong civilian sites.
Iginiit sa resolusyon na ang nabanggit na aktibidad ay paglabag sa soberenya ng Pilipinas at nagdudulot ng matinding panganib sa ating mamamayan.
Ayon kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Representative Antonio Tinio, nakakaalarma at hindi maituturing na ‘routine exercise’ kundi live-fire testing ng isang offensive weapon system sa ating lupain.
Bunsod nito ay iginigiit ng Makabayan Bloc ang agarang withdrawal ng US missile systems at pagtapos sa kaparehong live-fire missile activities sa ating teritoryo.










