MGA MUSEO AT PASYALAN SA EASTERN PANGASINAN, TAMPOK SA IKATLONG ARAW NG R1 TOURISM SUMMIT 2026 TOURS

‎Itinampok sa ikatlong araw ng Region 1 Tourism Summit 2026 Tours ang mga natatanging museo, makasaysayang lugar, pasyalan, at yamang kultura ng Eastern Pangasinan na dinarayo ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
‎

‎Kabilang sa mga lumahok sa tour ang mga kinatawan ng mga ahensya, media, tourism stakeholders, at iba pang sektor ng industriya na nagkaroon ng pagkakataong kilalanin at tuklasin ang mga natatanging destinasyon sa lalawigan.
‎

‎Unang pinuntahan ng mga kalahok ang Banaan Museum sa Lingayen, kung saan tampok ang mga koleksyon at kuwento na nagpapakita ng mayamang kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan ng Pangasinan.
‎

‎Mula rito, nagtungo naman ang grupo sa Mt. Grona sa Manaoag, na nagtatampok ng mga artifact at iba pang makasaysayang kagamitan na nagbibigay-silip sa nakaraan at kultura ng lugar.
‎

‎Bahagi rin ang Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag, isa sa mga kilalang religious tourism destinations sa lalawigan na patuloy na dinarayo ng libo-libong deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
‎

‎Samantala, binisita rin ng mga kalahok ang Binalonan Museum, na nakatuon sa pangangalaga at pagpapakilala ng kasaysayan, kultura, mga kuwento, at sining ng Binalonan, gayundin ng mga taong nag-ambag sa paghubog ng komunidad.
‎

‎Huling pinuntahan ng grupo ang isang sugar mill sa Pozorrubio, kung saan ipinakita ang proseso ng pagpoproseso ng tubo o sugarcane upang makuha ang katas nito at maging asukal at iba pang produktong mula sa tubo.
‎

‎Bukod dito ay nagsagawa rin ng pagbisita sa bahagi ng Western Pangasinan.
‎

‎Layunin ng tourism tour na higit pang maipakilala ang mga natatanging destinasyon ng Pangasinan at maipakita ang mayamang kultura, kasaysayan, tradisyon, at kabuhayan ng mga komunidad sa lalawigan.
‎

‎Patuloy namang pinalalakas ang turismo sa Pangasinan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga lungsod at munisipalidad upang maitaguyod ang kani-kanilang lokal na pagkakakilanlan at maibahagi sa mas maraming turista ang yamang kultura at tradisyon ng mga Pangasinense. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments