Thursday, September 10, 2026

Ilang kaso ukol sa flood control projects, posibleng mababaan na ng hatol ng Sandiganbayan ngayong taon

Asahang magbababa na ng hatol ang Sandiganbayan sa mga naunang kasong isinampa kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Ito ang sinabi ni Sandiganbayan presiding Justice Geraldine Faith Econg sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa 2027 budget ng Judiciary na aabot sa mahigit P86.2 billion.

Ayon kay Justice Econg, kung susundin ang mabilis na paglilitis, asahan na makapagbibigay na ng hatol na conviction o acquittal ang Sandiganbayan sa mga kaso sa flood control scam.

Sinabi naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na hindi nila sasabihin ang gusto nilang hatol dahil sa sub judice rule.

Sa pahayag ni Justice Econg, November 18, 2025 isinampa ng ombudsman ang unang flood control case.

Sa ngayon, ang paglilitis ng unang mga kaso ay nasa defense stage na o presentasyon na ng panig ng kinasuhan na aniya ay mabilis ang naging proseso kaya inaasahang makapagbibigay na sila ng hatol bago matapos ang taon.

Sinabi pa ni Econg na 26 ang mga kaso sa Sandiganbayan laban sa ilang senador, kongresista at iba pa na ukol sa flood control scam kung saan isa ang naka-archive dahil hindi matagpuan kung nasaan ito.

Facebook Comments