SAN CARLOS CITY VETERINARY OFFICE, NAGLABAS NG BABALA UKOL SA AFRICAN SWINE FEVER AT AVIAN INFLUENZA O BIRD FLU

Naglabas ng babala ang City Veterinary Office ng San Carlos City sa mga hog raisers, poultry raisers, at mamamayan kaugnay ng panibagong mga kaso ng African Swine Fever o ASF at Avian Influenza o Bird Flu na naitala sa ilang karatig-bayan.

Ayon sa tanggapan, nananatiling mataas ang banta ng African Swine Fever, isang malubha at lubhang nakahahawang sakit na umaatake sa mga baboy. Wala pa ring bakuna o tiyak na gamot laban dito, kaya hinihikayat ang mga nag-aalaga ng baboy na paigtingin ang pagpapatupad ng biosecurity at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang sintomas o biglaang pagkamatay ng kanilang mga alagang baboy.

Samantala, pinaaalalahanan din ang mga nag-aalaga ng manok, iba pang ibon, at maging ang mga pigeon fanciers na mag-ingat laban sa Avian Influenza o Bird Flu. Bagama’t pangunahing nakaaapekto ito sa mga ibon, maaari rin itong makahawa sa tao, lalo na sa mga may direktang pakikisalamuha sa mga may sakit o patay na ibon nang walang sapat na proteksiyon.

Bilang bahagi ng pag-iingat, pansamantalang pinapayuhan ang mga nag-aalaga ng kalapati na iwasan ang pagsali sa pigeon racing, dahil ang paglipat-lipat at pagsasama-sama ng mga ibon mula sa iba’t ibang lugar ay maaaring magpataas ng panganib ng pagkalat ng sakit.

Hinihikayat ng City Veterinary Office ang publiko na agad makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan kung may pinaghihinalaang kaso ng ASF o Avian Influenza upang mapabilis ang pagtugon at maiwasan ang pagkalat ng mga naturang sakit. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments