SASAKYAN, NAWALAN NG KONTROL AT TUMAOB SA PALAYAN SA SAN JACINTO DAHIL SA GALANG ASO

Sugatan ang isang drayber at ang mga pasahero nito, kasama ang anim na menor de edad, matapos umanong iwasan ang isang galang aso dito sa Brgy. San Jose, San Jacinto, Pangasinan noong Abril 25 ng hapon.

Batay sa paunang imbestigasyon, binabagtas umano ng naturang kotse ang barangay road patungong hilaga nang marating nito ang isang matarik na kurbada.

Dito na umano biglang iniwasan ng 43-anyos na drayber sa isang galang aso sa kalsada dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela hanggang sa mahulog at tumaob ang sasakyan sa malalim na bahagi ng palayan.

Sakay ng sasakyan ang dalawang babaeng may edad 52 anyos at 32 anyos, at isa ring 72 anyos na senior citizen at anim na menor de edad na pawang mga residente ng Brgy. Nibaliw, San Fabian.

Lahat ng sakay, kabilang ang drayber, ay nagtamo ng mga pinsala at agad dinala ng MDRRMO Rescue sa R1MC Annex sa Bonuan Binloc, Dagupan City.

Samantala, iniulat din na negatibo sa alcohol breath test ang drayber.

Facebook Comments