Sa kabila ng mga naranasang pagbaha at masamang panahon sa pangasinan, nananatili umanong matatag ang suplay at presyo ng mga pangunahing bilihin sa lalawigan. kasabay nito, patuloy ang pag-iinspeksyon ng dti sa mga establisimyento para matiyak ang pagsunod sa ipinatutupad na price freeze sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.

Sinimulan ng Department of Trade and Industry o DTI Pangasinan ang monitoring sa pagpapatupad ng *price freeze* kasunod ng pagdedeklara ng state of calamity sa ilang lokal na pamahalaan sa lalawigan.

Sa panayam ng iFM News Dagupan, sinabi ni DTI Pangasinan Provincial Director Natalia B. Dalaten na batay sa kanilang monitoring, nananatiling sapat ang suplay at matatag ang presyo ng mga basic necessities at prime commodities o BNPCs sa mga establisimyentong kanilang binabantayan.

Ayon sa DTI, kabilang sa kanilang regular na minomonitor ang pitong malalaking outlets, partikular ang mga supermarket at grocery store sa lalawigan.

Kabilang sa mga produktong patuloy na may matatag na suplay at presyo ang canned goods, processed milk at iba pang dry goods.

Paliwanag ng DTI, wala pa silang namomonitor na malaking pagbabago sa suplay ng mga nasabing produkto sa kabila ng epekto ng masamang panahon.

Gayunman, nagpapatuloy ang pagbabantay sa presyo at suplay ng mga pangunahing bilihin, lalo na sa mga lugar na naapektuhan ng pagbaha.

Patuloy ding pinaaalalahanan ang mga business establishment na sumunod sa umiiral na mga panuntunan sa presyo, partikular sa mga lugar na sakop ng price freeze alinsunod sa Price Act.
Layunin ng patuloy na monitoring na maiwasan ang hindi makatwirang pagtaas ng presyo at matiyak na may sapat na pangunahing bilihin para sa mga mamimili habang nagpapatuloy ang epekto ng masamang panahon sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments