
Naglunsad ang Philippine National Police (PNP) ng security plan sa buong bansa para maiwasan ang pagtaas ng insidente ng krimen sa gitna ng rotational brownouts.
Ang nasabing direktiba ay para matiyak ang agarang aksyon sa mga lugar na maaapektuhan ng nakatakdang pagkawala ng kuryente kasunod ng Red Alert na itinaas ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at pagpapatupad ng rotational brownouts ng Meralco.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang lahat ng Regional and Provinicial Directors na paigtingin ang foot at mobile patrols lalo na sa mga residential at commercial areas na naapektuhan ng nasabing pagkawala ng kuryente.
Aniya, inatasan na ang mga kapulisan na gumamit ng blinkers at searchlights para malaman ng mga tao na may mga pulis sa paligid at maging mapagmatyag kung mawalan ng ilaw.
Dagdag pa ni Nartatez, pinagagalaw na rin ang Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) para magsilbing karagdagang mata at tenga sa ground.
Tiniyak ng Pambansang Pulisya na mananatiling naka-standby ang mga emergency response units na may alternatibong pinagkukunan ng kuryente para matiyak ang tuloy-tuloy na komunikasyon at mabilis na deployment kahit sa panahon ng matagalang brownouts.










