SEKYU, KULONG SA PAGPAPAPUTOK NG BARIL

Nahaharap ngayon sa kasong Alarm and Scandal at paglabag sa Republic Act 10591 ang isang security guard matapos magpaputok ng baril sa Barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Raul Tejero, 61 taong gulang, at residente ng Barangay Paddad, Alicia, Isabela.

Sa ating nakuhang impormasyon sa Cauayan City Police Station, alas tres ng madaling araw nitong Lunes nang makarinig ng putok ng baril ang isang nakaduty na gwardiya na si Leonido Valdez at nang tignan ito ay nakita ang suspek na may dalang baril at saka itinapon sa likod ng kanyang barracks.

Agad na ipinaalam ni Valdez sa isa pang sekyu ang ginawa ng suspek na humingi naman ng tulong sa mga Barangay Tanod.

Itinawag naman ng mga Tanod sa himpilan ng pulisya ang insidente na agad namang tinugunan ng kapulisan.

Kinausap ng mga pulis ang suspek at itinuro kung saan nito itinapon ang ipinutok na issued firearm na narekober naman sa damuhan.

Hiningan ng kaukulang papel ang Caliber 38 na baril ng suspek subalit nang makita ito ay magkaiba ang nakalagay na serial number sa baril at sa dokumento nito.

Sa ating panayam sa suspek na nasa kustodiya ng pulisya, aminado ito na nakainom ng alak nang gawin ang pagpapaputok ng baril at haharapin na lamang ang kanyang kaso.

Facebook Comments