SUSPEK SA HIT AND RUN, TINUTUGIS NG PULISYA

Tinutugis na ng pulisya ang suspek sa pang hit-and-run sa isang lalaki na sanhi ng pagkamatay nito sa bayan ng Echague, Isabela.

Dead on arrival sa pagamutan ang biktima na si Jerry Tomas, 50 taong gulang, may asawa at residente ng Barangay Pangal Norte, Echague, Isabela matapos mabunggo at takbuhan ng isang kulay itim na Toyota Vios.

Sa nakuhang impormasyon ng iFM Cauayan, nangyari ang insidente nang pauwi sa kanilang bahay ang biktima na galing sa isang inuman na kung saan habang tumatawid ito sa National Highway na sakop ng Barangay Pangal Norte ay bigla na lamang nabunggo ng kotse na agad namang tumakas patungong Barangay Ipil.

Ayon pa sa pulisya, kasalukuyan ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga gusali na malapit sa pinangyarihan ng insidente para makakuha ng kopya ng CCTV footage kaugnay sa pananagasa sa biktima na kanila ring gagamitin para sa imbestigasyon at pagtukoy sa pagkakakilanlan ng suspek.

Mayroon namang naiwan na ilang piraso ng sirang bahagi ng sasakyan sa pinangyarihan ng insidente at ito ay kabilang sa iniimbestigahan ngayon ng pulisya.

Facebook Comments