
Nagpasaring si Senator Robinhood Padilla kay Pangulong Bongbong Marcos, matapos ang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa mga kasong may kaugnayan sa “war on drugs.”
Sa Facebook ay binalikan ni Padilla ang Pangulo na noong mga panahong wala itong kakampi at masandalan ay ang grupo nila ang tumindig at nagprotekta kay Marcos.
Hiniling ni Padilla na matapos ang mga nangyaring pag-aresto sa dating Pangulong Duterte ay pakinggan naman ni Pangulong Marcos Jr. ang mga daing ng mga kababayan.
Una nang inapela ni Padilla kay Pangulong Marcos Jr. na ipatigil ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa pagsunod sa direktiba ng ICC na aniya paglabag sa soberanya at batas ng Pilipinas.
Magugunitang sinabi naman ni Pangulong Marcos Jr. sa pulong balitaan kagabi na nanghingi ang Interpol ng tulong sa gobyerno para maaresto si Duterte at wala itong kinalaman sa ICC.