Senador, naghain ng resolusyon ng simpatya at pakikiramay sa pagpanaw ng superstar na si Nora Aunor

Inihain ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang isang resolusyon na naglalayong maghayag ang Senado ng simpatya at pakikiramay sa pagpanaw ng superstar at national artist na si Nora Aunor.

Sa ilalim ng Senate Resolution 1339 na inihain ni Revilla, binibigyang pagkilala ng Senado ang hindi matatawarang kontribusyon ni Nora Aunor sa Philippine Cinema at sa ating kultura.

Labis ang pagdadalamhati ni Revilla at ng mga senador sa pagpanaw ng isang tunay na alamat ng sining at kulturang Pilipino.

Si Ate Guy aniya ay isang inspirasyon, hindi lamang sa mga kapwa niya artista kundi sa bawat Pilipinong nangangarap at nagsusumikap.

Sa loob aniya ng maraming dekada, siya ang naging tinig, mukha, at damdamin ng sambayanang Pilipino.

Una rito, naghain din ng resolusyon si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na naglalayong parangalan ng Senado si Ate Guy dahil sa mga naging kontribusyon nito sa larangan ng musika at pelikulang Pilipino.

Facebook Comments