
Umaasa si Senator Grace Poe na matutugunan ng guidelines ng muling pagbubukas ng aplikasyon para sa consolidation ng mga PUVs ang mga pag-aalinlangan at mga katanungan ng mga PUV driver at operator.
Ayon kay Poe, ang imbitasyon muli ng Department of Transportation (DOTr) sa mga PUV operators at drivers na makilahok sa PUV Modernization Program ay nagbibigay hudyat ng bagong simula para sa layunin ng pamahalaan sa modernisasyon.
Bagamat pinuri ni Poe si Transportation Secretary Vince Dizon sa pagre-review ng modernization program subalit pinatitiyak ng senadora na ang bagong guidelines ay tunay na sagot sa mga problema ng mga motorista.
Partikular na nais ng senadora ay kung may bagong paraan ba na inilatag sa guidelines para gawing mas abot-kaya ang mga modern jeepney units at kung sakop at naisaayos na ba ang lahat ng mga ruta.
Kung plantsado ang programa ay mas malaki ang tsansang mas maraming drivers at operators ang mahihikayat na sumali sa programa.