
Nagsagawa ang Commission on Social Services ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan ng Pandaragop 2026: Recognition and Renewal of Our Valued Partnership sa Hulyo 13, 2026, mula 1:00 ng hapon hanggang 5:00 ng hapon sa Archbishop’s House Cathedral Compound sa Dagupan City.
Pinangunahan ni Most Reverend Archbishop Socrates Villegas ng Dioceses of Lingayen- Dagupan ang nasabing pagtitipon, kung saan binigyan diin nito ang pakikiisa ng bawat isa para sa layuning makatulong lalo sa mga lubos na nangangailangan. Kabilang sa mga inimbitahan sa pagtitipon ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas – Pangasinan Chapter, kasama ang iba pang kinatawan ng mga partner organizations ng CARITAS Lingayen-Dagupan.
Ayon kay Rev. Fr. Eddie B. Penollar, ang Episcopal Vicar ng Commission on Social Services, layunin ng taunang pagtitipon na kilalanin ang ambag ng mga katuwang ng CARITAS sa paghahatid ng mga programang panlipunan at higit pang palakasin ang ugnayan para sa mga susunod na proyekto.
Tinalakay sa nasabing pagtitipon ang pitong National Alay Kapwa (AK) Legacy Programs, kabilang ang mga inisyatiba para sa pamamahala, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, kabuhayan, pangangalaga sa kalikasan, disaster management, at capacity building.
Hinikayat ng CARITAS Lingayen-Dagupan ang mga inimbitahang kinatawan na kumpirmahin ang kanilang pagdalo at magsuot ng kani-kanilang opisyal na uniporme o kasuotan ng kanilang organisasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










