SINAG, NAGBABALA SA POSIBLENG ANTALA NG PAGSASAKA SA PANGASINAN DAHIL SA EL NINO AT MAHAL NA LANGIS

Nangangamba ang Samahan ng Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa posibleng pagkaantala ng pagtatanim ng mga magsasaka sa Pangasinan bunsod ng tumitinding epekto ng El Niño at patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon sa grupo, malaki ang epekto ng dalawang salik sa kabuuang gastos ng produksyon sa agrikultura. Mula sa dating tinatayang ₱17,000 na inisyal na puhunan sa pagtatanim, umaabot na umano ito ngayon sa mahigit ₱30,000 o higit pa, lalo na sa gastusin sa krudo na ginagamit sa makinarya, irigasyon, at transportasyon.

Dagdag pa ng SINAG, kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, maaaring maantala ang iskedyul ng pagtatanim ng mga magsasaka.

Nanawagan naman ang grupo sa pamahalaan na muling pag-aralan ang pag-aalis o pagbawas sa buwis sa langis upang maibsan ang dagdag gastos ng mga magsasaka, partikular sa gitna ng umiiral na kondisyon ng panahon.

Kasabay nito, iginiit din ng SINAG na dapat direktang mapakinabangan ng sektor ng agrikultura ang mga nalilikom mula sa excise tax at taripa, sa pamamagitan ng agarang suporta at subsidiya para sa mga magsasaka.

Sa ngayon, patuloy na binabantayan ng mga magsasaka sa lalawigan ang kondisyon ng panahon at galaw ng presyo ng langis, habang umaasa sa agarang tugon ng pamahalaan upang maiwasan ang mas malalang epekto sa produksyon ng pagkain. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments