
Maaaring tumaas nang hanggang P6.00 ang singil sa kuryente sa buwan ng Mayo ngayong taon.
Sa Quezon City Journalists Forum, sinabi ni Engr. Isidro Cacho Jr., Vice President for Trading Operations ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines Inc. – Wholesale Electricity Spot Market, ito ay dahil sa pagtaas sa demand sa kuryente sa naturang buwan dahil sa panahon ng tag-init.
Aniya, noong January ay nasa P3 ang per kilowatt hour ang bentahan ng kuryente sa merkado at bumaba naman sa P2.81 per kilowatt hour nitong Pebrero dahil sa malamig ang panahon at stable ang suplay.
Dagdag ni Cacho na nasa 14,000 megawatt ang suplay ng kuryente sa Luzon, 2,700 megawatt sa Mindanao at 2,600 megawatt sa Visayas.
Mayroon aniya silang reserba na 5,000 megawatt na suplay ng kuryente na maaaring magamit sa panahon na tumaas ang demand sa suplay ngayong papasok na summer.