Saturday, August 8, 2026

SINUCALAN RIVER, UMABOT SA ALERT LEVEL; MGA RESIDENTE, PINAG-IINGAT

‎Umabot sa 6.80 meters above sea level (MASL) o Alert Level ang lebel ng tubig sa Sinucalan River, batay sa monitoring ng mga awtoridad noong Biyernes, Agosto 7.

‎Sa pinakahuling monitoring ng MDRRMO Sta. Barbara alas-3 ng hapon, nananatili pa rin sa 6.80 MASL ang antas ng tubig sa ilog.

‎Ayon sa mga awtoridad, may posibilidad pang tumaas ang lebel ng ilog dahil sa patuloy na pag-ulan at pagdaloy ng tubig mula sa mga kabundukan at matataas na lugar.

‎Sa Dagupan City, ipinaliwanag ng mga opisyal na nagsisilbing catch basin ang lungsod, kung saan naiipon muna ang tubig-baha mula sa mga karatig na bayan bago ito dumaloy sa Lingayen Gulf. Ito umano ang isa sa mga dahilan kung bakit maaaring manatiling mataas ang tubig sa ilang lugar kahit humina na ang sama ng panahon.

‎Samantala, sa bayan Calasiao naman, batay sa monitoring alas-2 ng hapon kahapon, nananatili sa 7.9 (ANL) ang antas ng tubig sa Marusay o Sinucalan River, kung saan ilang residente sa mabababang lugar at malapit sa kailugan ang naapektuhan na ng pagbaha.

‎Ang mga residenteng nakatira umano sa tabing-ilog at mga flood-prone areas ay pinagsabihan na umantabay sa mga abiso at maging handa sa agarang paglikas kung kinakailangan habang nagpapatuloy ang monitoring sa Sinucalan River. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments