
Pinagbibitiw ng minority bloc sa posisyon si Senate President Alan Peter Cayetano.
Ito ang sama-samang panawagan ng Solid Bloc 11 o SB11 matapos na sa ikalawang pagkakataon ay i-boycott muli ng majority bloc ang sesyon ngayong hapon.
Sa binasa ni Senator Erwin Tulfo na joint statement, iginiit nila na dapat na mag-resign bilang Senate president si Cayetano dahil nagpakita ito ng kawalang kakayahan na gumanap sa tungkulin bilang lider ng Senado.
Tinukoy ng minorya ang malinaw na paglabag ni Cayetano sa ilalim ng Rule 14, Section 41 ng rules of the Senate kung saan nakasaad na maaaring ipagpaliban ng Senate president ang pagsasagawa ng sesyon pagkatapos ng konsultasyon sa majority at minority leader.
Iginiit ng SB11 na direktang paglabag ito sa rules ng Senado at pambabastos sa institusyon at sa taumbayan.
Umapela naman si Senator Bam Aquino sa mga kapwa senador sa mayorya na kung may pagmamahal pa sa Senado ay pumasok bukas at dito sila mag-debate at pag-usapan ang mga bagay.
Samantala, sinabi ni Senator Ping Lacson na sa ilalim ng rules, kung wala ang Senate president, maaaring mag-preside ang Senate president pro-tempore, ang majority leader, ang dalawang deputy majority leaders at idinagdag ni Senator Risa Hontiveros na maaaring mag-preside ang sinuman sa mga majority members na itinalaga ng SP.










