
Nakatikim ng salita mula kay Senate President Francis Escudero si House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V matapos punahin ng kongresista na kung nagagawa ng Senado na magsagawa ng motu proprio hearings at iba pang imbestigasyon tuwing naka-session break ay mas dapat na gawin ang impeachment trial.
Ayon kay Escudero, mukhang dapat na mag-aral pa ng husto si Cong. Ortega patungkol sa kaibahan ng motu proprio hearings na maaaring idaos ng Senado tuwing recess at sa impeachment proceedings na hindi pwedeng isagawa kapag walang sesyon.
Hirit ng senador, maliban na lamang kung nais ng kongresista na isabotahe ang sarili nilang impeachment case at bigyan ng dahilan ang kampo ni Vice President Sara Duterte na kwestyunin ang impeachment proceedings sa korte.
Muling pinayuhan ni Escudero ang mga kongresista na panay sita sa Senado na samantalahin ang panahon na ito para aralin at pagtibayin pa ang kanilang kaso.
Katwiran ng mambabatas, kapag nasimulan na ang proseso ng impeachment ay hindi na papayag ang Senado sa anumang delays o katwiran.
Dagdag pa ni Escudero, pwedeng kumuha si Ortega at ang iba pang kongresista ng mas malinaw na signal mula kay Speaker Martin Romualdez na mukha namang kuntento at hindi kinwestyon ang paghahanda na ginagawa ng Senado sa impeachment trial ni VP Duterte.