SUNOD-SUNOD NA PAGKAWALA NG WATER METER SA MANGALDAN, IKINAKAALARMA NG MGA KONSYUMER

Lumalala na umano ang mga ulat ng pagnanakaw at pagkawala ng mga metro ng tubig sa iba’t ibang barangay sa Mangaldan, ayon sa inilabas na babala ng Mangaldan Water District sa publiko noong Abril 28, 2026.

Ayon sa tanggapan, sunod-sunod umano ang natatanggap nilang reklamo mula sa mga residente dahilan ng panawagan para sa agarang aksyon.

Babala ng grupo na ang pagbili, paghawak, o pakikialam sa mga ninakaw na water meter ay may katumbas na parusa sa ilalim ng Anti-Fencing Law (Presidential Decree No. 1612).

Maaaring makulong at pagmultahin ang sinumang mapapatunayang sangkot depende sa halaga ng nakaw na kagamitan.

Dahil dito, nananawagan ang ahensya sa publiko na agad i-report sa Mangaldan Municipal Police Station o sa barangay officials at sa water district ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang matigil ang paglaganap ng insidente sa bayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙬𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments