Isang lalaki ang nasugatan sa insidente ng pamamaril sa Sitio Caliswang, Barangay Banog Norte, Bani, Pangasinan, noong Oktubre 6, 2026. Naaresto naman ang suspek sa isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad.
Ayon sa Bani Municipal Police Station, bandang 3:25 ng hapon nang makatanggap ng ulat ang mga pulis hinggil sa insidente. Agad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng himpilan sa ilalim ng pangangasiwa ni PMAJ Jordan C. Tomas, Chief of Police, upang beripikahin ang ulat at magsagawa ng paunang imbestigasyon.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, kapwa umano nag-iinuman ang biktima at suspek nang magkaroon ng mainitang pagtatalo. Sa kasagsagan ng argumento, umano’y bumunot ng baril ang suspek at nagpaputok, na tumama sa kaliwang bahagi ng tiyan ng biktima.
Agad na isinugod ang biktima sa Western Pangasinan District Hospital sa Alaminos City para sa kaukulang gamutan at pagsusuri. Ayon sa ulat, nasa stable na kondisyon ang biktima.
Samantala, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga rumespondeng pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. Kasalukuyan itong nasa kustodiya ng Bani Municipal Police Station para sa dokumentasyon at paghahanda ng kaukulang mga kaso.
Narekober din mula sa suspek ang isang improvised o homemade firearm na walang serial number, kasama ang isang live ammunition na caliber 5.56.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, habang ipinahayag ng Bani Municipal Police Station ang kanilang patuloy na pagsisikap na maiwasan at matugunan ang mga krimen at mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










