TATLONG DRUG SUSPECT ARESTADO, HALOS ₱90K HALAGANG SHABU NASAMSAM SA DAGUPAN

Tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto ng Dagupan City Police Office (DCPO) sa magkakahiwalay na buy-bust operations na isinagawa mula gabi ng June 3 hanggang madaling araw ng June 4, 2026.

Matagumpay na naisagawa ng hanay ng pulisya sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Region 1 (PDEA RO1), ang serye ng operasyon sa mga barangay ng Mamalingling, Pantal, at Lucao na nagresulta sa pagkakasamsam ng halos ₱90,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Sa unang operasyon sa Barangay Mamalingling, arestado ang isang 41 anyos na lalaki mula Barangay Bolosan at nakumpiska ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 1.5 gramo at halagang ₱10,200, kasama ang marked at boodle money.

Samantala, sa Barangay Pantal, nahuli naman ng mga operatiba ang isang 25 anyos na construction worker na residente ng naturang barangay kung saan narekober ang isang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 1.3 gramo na may tinatayang halaga na ₱11,500, gayundin ang buy-bust money.

Sa ikatlong operasyon sa Barangay Lucao, isang 33 anyos na lalaki mula Barangay Babasit, Manaoag, Pangasinan ang naaresto at nakumpiska ang may kabuuang timbang na 10 gramo ng hinihinalang shabu at tinatayang halagang ₱68,000. Narekober ang iba pang ebidensya at marked money.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng DCPO ang tatlong naarestong suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments