Tatlong Lalaki sa City of Ilagan Isabela, Pinagbabaril!

City of Ilagan, Isabela – Pinagbabaril ang tatlong lalaki sa isang bisperas ng kasalan sa Barangay Centro, San Antonio, City of Ilagan Isabela sa oras na alas onse kagabi.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Superintendent Rafael Pagalilauan, ang tatlong biktima ng pamamaril ay sina Arturo Mata na may dalawang tama sa katawan samantalang daplis sa mga paa ang tinamo nina Alberto Viernes at Reymart Paje na tinakbo agad sa pagamutan.

At dahil sa ang isang bala ay nasa katawan pa ni Mata ay inilipat ito sa isang pagamutan dito sa Cauayan City.


Sinabi pa ni Superintendent Pagalilauan na kasalukuyan pa rin ang ginagawang imbestigasyon sa pagtukoy ng suspek at motibo ng pamamaril.

Narekober sa pinangyarihan ang dalawang slug ng baril na dinala na sa laboratoryo upang mabatid ang klase ng baril na ginamit kina Mata, Viernes at Paje.

Nabatid rin na cook sa kasalan ang tatlo kung saan hindi agad napansin ang pamamaril dahil sa ingay ng sound system ng kasalan at iilan lamang umano ang nakakita sa pangyayari.

Samantala nilinaw pa Police Superintendent Pagalilauan na ang nasabing shooting incident ay walang kaugnayan sa nalalapit na eleksyon.

Facebook Comments