Magkakatuwang ang mga lokal na pamahalaan ng Dagupan City, Mangaldan at San Fabian sa isasagawang Padyak Kontra Droga 2026 ng Department of Health – Training and Rehabilitation Center Dagupan sa Nobyembre 21.
Isasagawa ang aktibidad bilang bahagi ng paggunita sa Drug Prevention and Control Week 2026, na layong palawakin ang kaalaman ng komunidad, lalo na ng mga kabataan, hinggil sa masamang epekto ng ilegal na droga.
Ayon kay Raymund Basbas, Chief Administrative Officer ng DOH TRC Dagupan, layon ng Padyak Kontra Droga na palakasin ang kamalayan ng publiko at hikayatin ang mas maraming mamamayan na makibahagi sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Dagdag ni Basbas, makatutulong ang pakikipagtulungan ng tatlong lokal na pamahalaan upang mas mapalawak ang saklaw ng kanilang kampanya.
Bilang bahagi ng aktibidad, magsasagawa ng motorcade mula sa tatlong bayan at lungsod bago magtipon ang mga kalahok para sa pledge of commitment, bilang simbolo ng kanilang patuloy na pakikiisa sa kampanya kontra droga.
Sa kasalukuyan, bukas na ang rehistrasyon para sa mga nais sumali sa aktibidad at makibahagi sa pagpapalawak ng kaalaman at pagpapatibay ng kampanya laban sa ilegal na droga. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








