TOP 10 MOST WANTED SA BAYAMBANG, ARESTADO SA TAGUIG CITY DAHIL SA DALAWANG KASO NG STATUTORY RAPE

Arestado sa Taguig City ang isang indibidwal na kabilang sa Top 10 Most Wanted Person ng Bayambang, Pangasinan, dahil sa dalawang bilang ng kasong statutory rape.

Ayon sa Bayambang Municipal Police Station, isinagawa ang pag-aresto dakong alas-2 ng madaling araw noong Oktubre 7, 2026 sa Barangay Ibayo Tipas, Taguig City.

Pinagsanib na tauhan ng Southern NCR MARPSTA MLET Muntinlupa at Bayambang Municipal Police Station ang nagsagawa ng operasyon sa bisa ng warrant of arrest laban sa akusado.

Nilagdaan ng Presiding Judge ng Family Court, Branch 13 sa San Carlos City, Pangasinan, ang warrant noong Enero 17, 2025, na walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Ipinaalam sa inaresto ang kaniyang mga karapatang konstitusyonal, habang naitala sa pamamagitan ng body-worn camera ang isinagawang proseso.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya siya ng Southern NCR MARPSTA, MLET Parañaque Fisherman’s Wharf sa Barangay La Huerta, Parañaque City, para sa kaukulang pagproseso at disposisyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments