Mas pinaigting ng Bayambang Public Safety Office o BPSO at Task Force Disiplina ang mga hakbang para sa mas ligtas na pagtawid ng mga pedestrian sa mga pangunahing lansangan ng bayan.
Bukod sa pagpapatupad ng mga traffic regulation, nagsasagawa ang Task Force Disiplina ng assistance sa mga pedestrian, partikular sa mga lugar na mataas ang daloy ng mga sasakyan at tao.
Tinutulungan ng mga tauhan ang mga tumatawid at inaayos ang daloy ng trapiko upang maging mas ligtas ang paggamit ng mga itinalagang tawiran.
Kasabay nito, patuloy din ang pagpapatupad ng mga regulasyon laban sa mga colorum o walang prangkisang tricycle, obstruction o ilegal na pagharang at pagpaparada, pagmomotor nang walang helmet, at pagmamaneho ng mga menor de edad.
Sa pangunguna ni 1Lt. Amory M. Junio PA (Res.), Deputy Officer ng Task Force Disiplina at Chief of Operations ng BPSO, hinikayat ang mga motorista, operator, magulang at iba pang road user na makiisa sa pagpapatupad ng mga umiiral na alituntunin.
Layunin nitong mapanatili ang mas ligtas at organisadong daloy ng trapiko sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







