
Hindi na ikinagulat ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Erwin Tulfo ang pagbawi ng ilan sa mga tinaguriang ‘Maleta Boys’ sa kanilang naging testimonya laban kina Pangulong Bongbong Marcos, dating Speaker Martin Romualdez at dating Cong. Zaldy Co.
Apat sa 18 mga dating tauhan ni Co ay binawi na ang kanilang testimonya tungkol sa paghahatid ng male-maletang kickback ng flood control projects kina PBBM, Romualdez at sa iba pang politiko.
Ayon kay Tulfo, hindi na siya na-sorpresa sa ginawang pag-recant ng ilan sa 18-ex bodyguards ni Co dahil hindi naman magiging kaliwa’t kanan ang mga kaso laban sa mga ito kung talagang nagsasabi ng totoo.
Nagpasalamat naman si Sen. Erwin sa Diyos na sa wakas ay naliwanagn na rin ang isipan ng ilan sa mga Maleta Boys.
Samantala, nakukulangan naman si Senator Ping Lacson sa detalye kung sino sa 18 maleta boys ang bumawi ng kanilang mga sinabi partikular kung kasama ba sila sa mga nagsumite ng sworn statements sa Ombudsman na ginagamit ngayon para sa preliminary investigation laban kay Romualdez.
Sinabi ni Lacson na sa dami ng pabago-bagong testimonya ng mga ito ay hindi na malaman kung ano ang totoo at kung sino-sino sa kanila ang totoo at hindi.










