
Nanawagan si Archbishop Socrates B. Villegas sa kabataang Gen Z ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan na maging mapanuri at huwag basta magpa-“budol” sa gitna ng umiinit na socio-political na sitwasyon sa bansa.
Sa kanyang pastoral letter na may temang “Wag pa budol sa kanila! Focus on what’s real,” inilahad ng arsobispo ang nararanasang pagod at pagkadismaya ng mamamayan dulot ng tumataas na presyo ng bilihin, mga isyu ng korapsyon, at patuloy na ingay sa pulitika.
Aniya, tila nalulunod ang publiko sa “political noise” gaya ng iba’t ibang kontrobersiya habang nananatiling problema ang kawalan ng pananagutan.
Binigyang-diin ni Villegas na ang mga lider ay bunga ng desisyon ng mga botante, kaya mahalagang matuto sa mga naging pagkakamali. “Okay lang magkamali, pero kung uulitin pa, huwag na tayong magpa-budol,” ani niya.
Hinimok din niya ang kabataan na balikan ang kanilang konsensya at huwag basta padadala sa emosyon, fake news, at impluwensya ng social media.
Iginiit niyang ang pulitika ay may kaakibat na moral na pananagutan at dapat nakatuon sa kabutihang panlahat.
Dagdag pa ng arsobispo, tungkulin ng mga lider na igalang ang karapatan ng bawat mamamayan at unahin ang kapakanan ng mahihirap at naaapi, at ang pagtalikod dito ay isang sugat sa lipunan.
Sa huli, hinamon niya ang kabataan na suriin ang kanilang mga pinipiling kandidato at gamitin ang kanilang boto nang may paninindigan sa katotohanan.
Ang pastoral letter ay inilabas mula sa Cathedral of Saint John the Evangelist nitong Abril 15, 2026. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments










