WASTE MANAGEMENT DIVISION, NAGPAALALA SA EPEKTO NG BASURA SA PAGBAHA SA DAGUPAN

Basura ang isa rin sa problema pag dating sa pagbaha dahil posible ito bumara sa mga drainage systems.

Ilang bahagi sa Dagupan City ang madalas nakararanas ng pagbaha tuwing may bagyo, lalo na ang mga barangay na nasa mabababang lugar o low-lying areas.

Sa mga nakalipas na araw, ilang komunidad ang naapektuhan ng pagtaas ng tubig kung saan nahirapan ang ilang residente dahil hindi lamang sa baha kundi maging sa mga kalat na basura sa mga kalsada.

Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay Bernard L. Cabison, Waste Management Division Head, patuloy nilang minomonitor ang sitwasyon ng basura sa lungsod upang agad na matugunan ang mga lugar na nangangailangan ng paglilinis.

Aniya, malaking tulong ang pakikipagtulungan ng mga barangay at ng lokal na pamahalaan dahil sila ang may pangunahing responsibilidad sa pagpapatupad ng tamang segregasyon at pamamahala ng basura sa kanilang nasasakupan.

Dagdag pa niya, nagiging mas mahirap ang proseso ng paglilinis kapag ang mga basura ay nababasa at naiipon sa tubig dahil nagdudulot ito ng masangsang na amoy, lalo na ang mga plastik at iba pang basurang matagal na nakababad.

Tinatayang nasa 60 hanggang 70 tonelada ng basura kada araw ang kanilang nakokolekta sa lungsod. Dahil dito, nananawagan ang Waste Management Division sa mga Dagupeno na maging responsable sa pagtatapon at paghihiwalay ng basura upang maiwasan ang pagbabara ng mga daluyan ng tubig, pagkalat ng sakit, at paglala ng pagbaha. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments