CITY HEALTH OFFICE, NAGBABALA SA BANTA NG LEPTOSPIROSIS SA GITNA NG PAGBAHA SA DAGUPAN

Ang Leptospirosis ang isa sa mga pangunahing sakit na pwedeng mukha sa pagbaha. Ayon sa mga Medical Officers, kung hindi ito kaagad maaagapan, ay maaaring humantong sa pagkamatay ng pasyente.

Dahil sa epekto ng Bagyong Maymay, nararanasan pa rin ang pagbaha sa ilang bahagi ng Pangasinan tulad sa Dagupan City, dahilan upang magbigay paalala ang mga health authorities sa publiko ukol sa mga sakit na maaaring makuha mula sa maruming tubig-baha.

Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay Lawrence Alfred Q. Lomboy, Medical Officer III ng City Health Office, isa ang leptospirosis sa mga pangunahing sakit na maaaring makuha kapag nakalubog ang paa sa tubig-baha.

Aniya, mahalagang gumamit ng angkop na safety gears tulad ng bota at proteksyon sa katawan kapag kinakailangang lumusong sa baha upang makaiwas sa impeksyon, dahil maaaring maging malubha at nakamamatay ang ang sakit kapag hindi agad naagapan.

Dagdag pa niya, dapat agad magpakonsulta sa doktor ang mga makakaranas ng sintomas tulad ng mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan lalo na sa binti at ibabang bahagi ng likod, pamumula ng mata, panginginig, pagsusuka, at paninilaw ng balat o mata.

Kung simpleng lagnat naman ang nararanasan, maaaring magtungo sa City Health Office dahil nagbibigay rin sila ng libreng gamot para sa mga nangangailangan.

Bukod sa leptospirosis, pinaalalahanan din ang publiko na huwag ipagwalang-bahala ang mga sintomas tulad ng sipon at ubo na maaaring lumala dahil sa pabago-bagong panahon.

Maaari ring magpakonsulta sa City Health Office kung makaranas ng ganitong sintomas upang agad na mabigyan ng kaukulang lunas.

Nanawagan naman si Lomboy sa publiko na huwag mag-atubiling lumapit sa mga health workers kapag may nararamdamang sintomas upang maiwasan ang paglala ng sakit. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments