
Isinulong ni House Deputy Speaker at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Party-list Representative Raymond Democrito Mendoza na huwag kaltasan ng buwis ang sweldong ₱50,000 pababa.
Nakapaloob ito sa inihain ni Mendoza na House Bill No. 8860 o panuakalang Patas na Ambag sa Tax para sa Angat-Sahod o (PATAS) Act na layuning itaas hanggang ₱600,000 kada taon ang income tax exemption ng mga lower middle-income earners.
Sabi ni Mendoza, ang mawawalang koleksyon dito ay babawiin sa buwis na ipinapataw sa mga bilyonaryo at malalaking kita ng mga kompanya ng langis at enerhiya sa ilalim ng panukalang Solidarity Wealth Tax.
Sa ilalim nito ay papatawan ng 1–3% tax ang mga bilyonaryo sa bansa, habang 15–35% windfall profits tax naman ang sisingilin sa mga malalaking kompanya sa sektor ng langis at enerhiya.
Ipinunto ni Mendoza na sa loob ng mahabang panahon ay pinipiga ng buwis ang karaniwang manggagawa na bihirang makinabang sa ayuda, habang ang tunay na malalaki ang kinikita ay nakakalusot.










