
Cauayan City – Nagbabala ang Office of Civil Defense (OCD) Region 2 hinggil sa posibilidad ng isang malakas na lindol mula sa Eastern Luzon Trench na nasa silangang baybayin ng Cagayan na maaaring umabot sa magnitude 8.5.
Ito ay tinalakay ni OCD Regional Director Albert Mogol sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Hunyo 22.
Ayon kay Mogol, bukod sa mga aktibong fault line sa Cagayan, may banta rin ang Eastern Luzon Trench na maaaring magdulot ng malakas na pagyanig at posibleng tsunami na makaaapekto sa mga baybaying lugar ng Cagayan at mga kalapit na lalawigan.
Dahil dito, inatasan ng OCD ang mga kaukulang ahensya na magsagawa ng technical briefing at pinalakas na paghahanda para sa mga senaryo ng lindol at tsunami.
Pinag-uutos din ang pagsasagawa ng infrastructure audit upang masuri ang kaligtasan ng mga paaralan at iba pang mahahalagang pasilidad sa rehiyon.
Binigyang-diin ni Mogol na hindi lamang bagyo at pagbaha ang dapat paghandaan ng mga lokal na pamahalaan kundi pati na rin ang mga posibleng sakunang dulot ng lindol at tsunami upang mabawasan ang panganib sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.










