1 Sugatan at Banggaan ng Truck at Kotse sa Gamu, Isabela

30
Cauayan City, Isabela- Nagtamo ng minor injuries ang drayber ng isang Toyota Innova na may plakang NCF 9966 matapos aksidenteng magsalpukan ang isang ISUZU truck dakong alas-10:00 kagabi sa kahabaan ng Brgy. Upi, Gamu, Isabela.

Kinilala ang sugatang biktima na si Romarico Mateo, 47-anyos at residente ng Brgy. Alabug, Tuao, Cagayan habang ang truck drayber ay kinilalang si Joriel Tanguilig, 31-anyos, walang asawa at pasahero nito na si Donalyn Santos,29-anyos pawang mga residente ng Brgy. Namnama, Tumauini, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Gamu, binabagtas ng parehong sasakyan ang magkasalungat na direksyon ng kalsada nang biglang umagaw umano sa linya ng truck si Mateo, dahilan ng pagkawasak ng harapang bahagi ng kotse nito.

Bilang resulta, ang drayber ng Toyota Innova ay maswerteng nagtamo lamang ng mababaw na sugat sa katawan habang ang drayber ng ISUZU truck na may plakang CAP 8198 at kanyang pasahero ay hindi nagtamo ng anumang sugat.

Kaagad namang naisugod sa pinakamalapit na pagamutan ang dalawang drayber at pasahero para masuri ang kalagayan matapos ang aksidente.

Inaalam pa sa kasalukuyan ng mga awtoridad ang halaga ng pinsala ng mga sasakyan habang patuloy na nagpapagaling ang biktima.

Facebook Comments