Ligtas nang nakauwi sa kaniyang pamilya sa Mangaldan, Pangasinan ang isang 11-anyos na batang babae na napaulat na nawawala matapos matagpuan sa Barangay Bonuan Binloc, Dagupan City.
Ayon sa impormasyon, isang concerned citizen ang nagbigay ng mensahe hinggil sa kinaroroonan ng bata, dahilan upang agad na makipag-ugnayan ang mga barangay personnel at matulungan ito.
Nang matagpuan, nahihirapan umanong makausap nang maayos ang bata, kaya agad na kumilos ang mga Barangay Tanod ng Bonuan Binloc upang matukoy kung saan ito nakatira at mahanap ang kaniyang pamilya.
Nakipag-ugnayan ang mga tanod sa kinauukulang barangay sa Mangaldan hanggang sa makumpirma ang pagkakakilanlan at pamilya ng bata.
Pinuri naman ni Barangay Captain Wilmer Castanares ang mabilis na koordinasyon at aksyon ng mga barangay tanod at iba pang tumulong.
Matapos ang pag-aalala at paghahanap, ligtas na naibalik ang 11-anyos sa kaniyang pamilya.
Naging mahalaga sa insidente ang agarang pag-uulat ng concerned citizen at koordinasyon ng mga barangay personnel sa Dagupan City at Mangaldan upang mabilis na maiuwi ang bata. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








