Umabot sa 146 aspiring drivers sa Manaoag, Pangasinan ang sumailalim sa dalawang araw na libreng Theoretical Driving Course ng Land Transportation Office o LTO Region 1.
Isinagawa ang pagsasanay noong Setyembre 4 hanggang 5 bilang paghahanda ng mga kalahok bago sila tuluyang makakuha ng lisensya at makapagmaneho sa mga pampublikong kalsada.
Sa dalawang araw na programa, tinalakay ang mahahalagang kaalaman tungkol sa mga umiiral na batas trapiko, road safety regulations, tamang pag-uugali at responsibilidad ng isang motorista, gayundin ang iba pang paksang bahagi ng theoretical driving course.
Kasama rin sa mga tinalakay ang kasaysayan at mandato ng LTO.
Ayon sa LTO Region 1, layunin ng programa na mailapit sa mga komunidad ang traffic education at mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga nagnanais maging lisensyadong motorista.
Pinangunahan ang programa sa ilalim ng pamamahala nina LTO Region 1 Regional Director Glorioso Daniel Z. Martinez at Assistant Regional Director Engr. Eric C. Suriben.
Bukod sa pagiging requirement sa proseso ng pagkuha ng student permit, mahalaga ang theoretical driving course upang maihanda ang mga bagong motorista sa mga patakaran at responsibilidad na kaakibat ng pagmamaneho.
Inaasahang magagamit ng 146 na kalahok ang kanilang natutunan upang maging mas responsable at maingat na motorista at makatulong sa pagpapanatili ng kaligtasan sa mga kalsada. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








