Habang papalapit ang nakatakdang paghahain ng certificate of candidacy para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE 2026, muling pinaalalahanan ng Commission on Elections o COMELEC ang mga nagnanais tumakbo na tiyaking kumpleto ang kanilang requirements at pasok sila sa itinakdang qualifications.
Sa inilabas na impormasyon ng COMELEC, sinagot ng poll body ang ilang karaniwang katanungan kaugnay ng nalalapit na halalan, kabilang ang qualifications ng mga kandidato at mga kailangang ihanda sa paghahain ng Certificate of Candidacy o COC.
Kasabay nito, nagpapatuloy naman sa Kongreso ang mga hakbang para baguhin ang termino ng mga barangay at SK officials at ilipat ang susunod na BSKE.
Sa House of Representatives, inaprubahan sa ikalawang pagbasa noong Setyembre 2 ang House Bill No. 10971, na naglalayong gawing limang taon ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan officials.
Sa ilalim ng panukala, ililipat sa Nobyembre 2028 ang susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
May mga kaugnay na panukala rin sa Senado hinggil sa termino at iskedyul ng BSKE, ngunit kailangan pa itong dumaan sa kinakailangang proseso ng lehislatura bago maging batas.
Samantala, sinabi ni Acting Executive Secretary Ralph Recto na inaasahang lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala sakaling tuluyan itong maaprubahan ng Kongreso at makarating sa Malacañang.
Habang hinihintay ang magiging kapalaran ng panukalang pagpapaliban, hati naman ang pananaw ng ilang barangay at SK aspirants hinggil sa posibilidad na hindi matuloy ngayong taon ang halalan.
Sa ngayon, nananatiling mahalagang sundin ng mga nagnanais kumandidato ang umiiral na election calendar at mga alituntunin ng COMELEC.
Hangga’t walang bagong batas na pormal na nagbabago sa iskedyul ng halalan, ang BSKE 2026 pa rin ang umiiral na election schedule, kaya nagpapatuloy ang paghahanda ng COMELEC para sa halalan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣












