Monday, June 8, 2026

183 na aftershocks, naitala ng PHIVOLCS matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani

As of 11 p.m., nakapagtala na ng 183 na aftershocks ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa karagatang bahagi ng Sarangani.

Ito ay kasunod pa rin ng magnitude 7.8 na lindol na naramdaman sa katubigang bahagi ng Sarangani bandang 7:37 ng umaga.

Nasa magnitude 1.3 hanggang 6.7 ang mga naitalang pagyanig ng PHIVOLCS, kung saan siyam sa bilang na ito ang naramdaman habang 47 ang plotted.

Nagpaalala naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Health (DOH) sa publiko na manatiling alerto sa mga posibleng aftershock matapos ang malakas na lindol.

Hinihikayat ang lahat na laging maging handa at sumunod sa mga alituntunin upang manatiling ligtas.

Ayon sa DILG, siguraduhing may nakahandang “Go Bag” na naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng tubig, pagkain, flashlight, at first aid kit.

Pinapayuhan din ang publiko na lumayo sa mga nasirang gusali, pundasyon na may bitak, nakalaylay na mga kuryente, at mga lugar na maaaring gumuho.

Makinig sa mga opisyal na anunsyo mula sa PHIVOLCS at sa mga lokal na pamahalaan para sa mga update.

Facebook Comments