Tambak na basura sa ilang bahagi ng Maynila, hindi pa rin nahahakot

Tambak na basura pa rin ang makikita sa kahabaan ng Rizal Avenue at ibang parte ng lungsod ng Maynila.

Nabatid na ilang araw nang hindi nahahakot ang mga basura na karamihan ay inilalabas na ng mga residente bunsod ng bumabaho na ang loob ng kanilang tahanan.

Sa impormasyon mula sa ilang opisyal ng Liga ng Barangay, hindi na umano sapat ang mga tauhan ng MetroWaste Solid Management Corp. at Philippine Ecology Systems Corp. kaya naaantala na ang paghahakot ng basura.

Ang dalawa ang kinontrata ng lokal na pamahalaan ng Maynila na iikot at hahakot ng basura sa anim na distrito pero hindi nila ito kinakaya.

Ilan sa mga residente na nakausap ng DZXL News na tumanggi nang magpakilala ay nagrereklamo sa diskarte ng humahakot ng basura kung saan hindi umano hinahakot ang basura kung hindi nag-aabot o nagbibigay ng lagay.

Gumagawa naman daw ng paraan ang Department of Public Service (DPS) na hakutin ang mga nagtambak ng basura subalit aminado silang hindi sapat ang kanilang mga truck para hakutin ang kabi-kabilang basura sa lungsod.

Facebook Comments