2, nasawi dahil sa sama ng panahon sa mindanao

Iniulat ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno na dalawang katao ang nasawi dahil sa nararanasang sama ng panahon sa Mindanao.

Ayon kay Nepomuceno, ang dalawang naitalang nasawi ay mula sa Region 9 (Zamboanga Peninsula) at Region 10 (Northern Mindanao).

Aniya, patuloy pang sumasailalim sa beripikasyon ang dalawang napaulat na nasawi.

Samantala, nasa halos 200,000 indibidwal o 40,250 pamilya ang apektado ng sama ng panahon sa Regions 9, 10, 12 at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Sa nasabing bilang, 890 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa ilang evacuation areas habang ang iba naman ay mas piniling manatili sa kanilang tahanan o makituloy sa kanilang mga kamag-anak.

Nakapagtala din ang OCD ng tatlong hindi madaanang kalsada at isang tulay.

60 kabahayan din ang napinsala kung saan 39 ang partially damaged habang 21 ang totally damaged.

Kasunod nito, patuloy sa pamamahagi ng relief goods at hot meals ang pamahalaan sa mga naapektuhang residente.

Facebook Comments