
Pinaalalahanan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang mga residente ng tatlong mga lalawigan sa Luzon at Mindanao dahil makararanas ang mga itong mainit at maalinsangan na panahon ngayong araw.
Batay sa heat index forecast ng PAGASA, inaasahang papalo sa 42°C ang Heat Index sa Dagupan City sa Pangasinan, Aparri sa Cagayan at Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.
Ayon sa PAGASA, ang init ng panahon ay ikinukonsidera bilang “danger” level na makapagdudulot ng mga panganib tulad ng heat cramps, pagkahapo, at potensyal na heat stroke kapag matagal na nakabilad sa araw.
Samantala, posibleng pumalo rin sa 39°C ang Heat Index sa NAIA,sa Pasay City at 37°C sa Science Garden sa Quezon City.
Ikinukonsidera naman itong “extreme caution” level na posible ring makapagdulot ng heat cramps, pagkahapo at heat stroke.
Paliwanag pa ng PAGASA, naasahan pa ang mainit na panahon sa mga susunod pang araw kaya’t dapat ugaliin na uminom ng maraming tubig at magdala ng payong o pananggalang sa init kapag nasa labas ng tahanan.