Patuloy na pinagtitibay ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang pakikipagtulungan sa 31 barangay upang mas mailapit sa mga residente ang mga programa at serbisyong pampubliko.
Sa pagpupulong kasama ang mga punong barangay sa pangunguna ni Association of Barangay Captains (ABC) President Lino Fernandez at mga department heads ng lungsod, tinalakay ang mga hakbang upang higit na mapahusay ang paghahatid ng serbisyo sa komunidad.
Isa sa mga pangunahing inisyatibo ang pagpapalakas ng mga barangay library sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga aklat at iba pang learning resources. Layunin nitong mabigyan ang mga kabataan ng ligtas, maayos, at madaling mapuntahang lugar para sa pagbabasa at pag-aaral.
Kasabay nito, patuloy ding pinalalawak ng lungsod, katuwang ang mga barangay, ang SAFEnet advocacy at iba pang programang nakatuon sa kaligtasan, proteksiyon, at kapakanan ng mga kabataan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











