
Sibak sa puwesto ang isang senior officer ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos magsampa ng reklamo ang dalawang junior officers laban sa kanya dahil sa umano’y misconduct.
Sa pahayag ng AFP, kinumpirma nitong nakitaan ng prima facie evidence ang opisyal batay sa isinagawang internal investigation na siyang nagbigay-daan sa pagsulong ng legal na proseso laban sa kanya.
Bagama’t hindi pinangalanan ng AFP ang naturang opisyal, nauna nang sinabi ng Philippine Air Force (PAF) sa isang hiwalay na pahayag na may kahalintulad na kaso itong iniimbestigahan sa General Headquarters ng AFP.
Tiniyak ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na pinangangalagaan nila ang karapatan ng mga nagsampa ng reklamo at sinisiguro na hindi sila makakaranas ng anumang pananakot habang umuusad ang proseso.
Giit ng AFP, nananatili itong tapat sa prinsipyo ng due process, transparency, at accountability sa ilalim ng military justice system.