Mahigpit nang ipatutupad ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang pagbabawal sa pagtitinda ng isda na wala sa fish section sa pampublikong pamilihan matapos bigyan ng pwesto ang mga ambulant fish vendors na susunod sa direktiba.
Kasunod ito ng pagpupulong noong Hunyo 26 sa pagitan ng mga ambulant vendors, Market Office, Public Order and Safety Office (POSO), at iba pang tanggapan ng pamahalaan para ipaliwanag ang bagong sistema ng pagtitinda sa Mangaldan Public Market.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ito ay para mabawasan na ang kalat-kalat na bentahan sa paligid ng palengke.
May inilaan na umanong mga puwesto sa fish section para sa mga vendor na tatalima sa kautusan.
Kaugnay nito, mahigpit ding babantayan ang mga ambulant fish vendors mula sa ibang bayan para siguraduhing hindi sila magtitinda sa labas ng itinakdang lugar.
Nanawagan naman ang LGU sa mga mamimili na bumili sa loob mismo ng pamilihan kung saan may nakatalagang puwesto para sa bawat uri ng produkto, bilang suporta sa mga tindero at tinderang sumusunod sa bagong patakaran. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








