
Pag-aaralan ng new Senate Majority Bloc ang mode na posibleng gamitin para sa pagdedeklara ng special session.
Matatandaang naunang sinabi ni Acting Senate President at Senate President pro-tempore Sherwin Gatchalian ang posibilidad ng pagsasagawa ng special session upang maaksyunan ang mga nabinbing panukala matapos ang deadlock sa Senado at ang tsansang maka-treseng bilang na ang bagong mayorya para sa pormal na pagkakaroon ng Senate President.
Ayon kay Gatchalian, mayroong dalawang modes o paraan para sa pagdaraos ng special session.
Una aniya rito ay maaaring magkasundo ang Senado at Kamara na magsagawa ng special session kahit wala ang pagapruba mula sa Presidente.
Inihalimbawa ni Gatchalian ang nangyari noong nakaraang Disyembre na na-delay ang pagpapatibay sa 2026 national budget at nag-extend sila ng araw para magka-sesyon kung saan pagkatapos na ng Pasko naaprubahan ang pambansang pondo.
Pangalawang mode naman aniya ay kung ang Pangulo ang magdedeklara at maguutos sa Kongreso na magsagawa ng special session.
Samantala, naunang natanong si Senator Alan Peter Cayetano kung dadalo ba sila kapag nagpatawag ng special session at ang tugon nito ay depende ito sa kung anong pakay ng Gatchalian bloc.










