Bangayan ng Dalawang Magkapitbahay dahil sa Bakod, Nauwi sa Pambabato, Isa-Sugatan!

City of Ilagan, Isabela – Arestado ang isang magsasaka matapos mambato ng babae dahil lamang sa usapin sa kanilang bakod sa Barangay Sta. Catalina, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Antonio Gatiring, limampu’t siyam na taong gulang, may asawa, samantalang ang biktima naman na nagtamo ng malalang sugat sa ulo ay si Marites Macanas, apatnapu’t pitong taong gulang, biyuda at pawang mga residente ng nasabing lugar.

Ayon kay SPO1 Michael Bacani, Imbestigador ng City of Ilagan Police Station, nag-uusap lamang umano ang dalawa ngunit humantong sa matagal na alitan na umanoy may kaugnayan sa kanilang bakod na nasa pagitan ng kanilang mga bahay.


Sa galit umano ni Gatiring ay kumuha ng bato at ibinato sa ulo ng biktima na sanhi ng tinamong sugat kung kaya’t itinakbo ito sa pinakamalapit na pagamutan at inilipat na sa CVMC Tuguegarao City.

Nasa pag-iingat naman ngayon ng kapulisan ang suspek na mahaharap sa kanyang kaukulang kaso.

Facebook Comments