Patuloy umano ang pagtaas ng koleksyon ng buwis mula sa mga negosyo sa bayan ng San Fabian sa loob ng tatlong taon, batay sa ulat na inilatag sa State of the Municipality Address (SOMA) noong Hunyo 30, 2026 sa San Fabian Public Auditorium.
Ayon sa datos ng lokal na pamahalaan, ang business tax collection ay mula ₱7.77 milyon noong 2024, umakyat sa ₱9.046 milyon noong 2025, at umabot sa ₱9.84 milyon noong 2026.
Iniuugnay ng lokal na pamahalaan ang pagtaas sa mga ipinatutupad na business-friendly policies at mas pinasimpleng proseso ng transaksyon, na nakatulong umano sa pagpasok ng mas maraming establisimyento tulad ng mga fastfood chains, bangko, at shopping centers.
Dumalo sa SOMA ang iba’t ibang sektor kabilang ang mga opisyal ng pamahalaan, National Government Agencies, mga punong barangay, LGU officials, kinatawan ng DepEd, SK officials, civil society organizations, private sector, at mga residente.
Sa parehong ulat, inilatag din ng administrasyon ang mga nakatakdang proyekto sa sektor ng kalusugan, kabilang ang pagpapalawak ng Super Health Center at ang pagdaragdag ng dalawang mobile clinic para sa mga malalayong barangay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








