OPERASYON NG BAGONG SUPER HEALTH CENTER SA URBIZTONDO, PINAGHAHANDAAN NA

Pinaghahandaan ang ganap na operasyon ng bagong Super Health Center na itinayo sa bayan ng Urbiztondo na inaasahang magbibigay ng mas malawak at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa mga residente.

Ayon kay Mayor Modesto “Moding” Operania, kasalukuyan nang gumagana ang pasilidad ngunit hindi pa ito ganap na operational dahil kulang pa sa ilang kagamitang medikal at kinakailangang health personnel.

Gayunman, inaasahang madaragdagan ang mga manggagamot sa loob ng taon, kabilang ang isang doktor na permanenteng maglilingkod sa Super Health Center.

Nabatid din na tuwing Lunes hanggang Miyerkules ang kasalukuyang operasyon ng pasilidad, katuwang ang mga Barangay Health Workers (BHW) sa pagbibigay ng mga pangunahing serbisyong medikal.

Kabilang sa mga pasilidad ng Super Health Center ang laboratory, treatment room, labor room, delivery room, X-ray room, at maayos na electrical at water supply na inaasahang makatutulong sa mas episyenteng pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan.

Samantala, sinabi ni Barangay Captain Elizabeth Rico ng Barangay Batancaoa, kung saan itinayo ang Super Health Center, na malaking pakinabang ang naturang pasilidad hindi lamang para sa mga residente ng Urbiztondo kundi maging sa mga karatig-bayan na mangangailangan ng serbisyong medikal.

Nagpahayag din ng kasiyahan ang isang residente na si Andres, na nagsabing inaasahan niyang mas magiging mabilis na ang pagtugon sa mga nangangailangan ng check-up at iba pang serbisyong medikal sa oras na ganap nang maging operational ang Super Health Center. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments