
Cauayan City – Nakatanggap ng malaking suporta ang mga magsasaka mula sa Brgy. Bangad, Sta. Maria, Isabela na nag-aalaga ng baka mula sa Comprehensive Livestock Program ng Department of Agriculture Regional Field Office 2 (DA RFO 2).
Layunin ng programang ito na mapabuti ang kalidad ng lahi ng mga baka at mapanatili ang kanilang kalusugan.
Sa tulong ng DA Region 2 at ng Local Government Unit ng Sta. Maria, isinagawa ang iba’t ibang paraan tulad ng artificial insemination (AI), estrus synchronization, deworming, at pagtuturok ng bitamina upang mapanatili ang kalusugan ng mga alagang hayop.
Pinangunahan ni Sam Pagauitan, isang farm worker mula sa LGU Sta. Maria, at ni Norlito G. Timbreza Sr., isang AI technician mula sa DA RFO 2, ang pagpapatupad ng programa kasama ang mga lokal na magsasaka.
Nagsagawa ng estrus synch ronization sa walong dumalagang baka upang mapabuti ang tiyansa ng kanilang pagbubuntis habang isinagawa rin ang unang Artificial Insemination sa isang baka.
Samantala, ipagpapatuloy ng DA Region 2 technical team ang Artificial Insemination sa natitirang walong baka upang matiyak ang pagpapakilala ng mas mataas na kalidad ng lahi, maging ang deworming at pagbibigay ng bitamina upang mapanatili ang lakas at kalusugan ng mga hayop.