CLOSED VAN, SUMALPOK SA POSTE NG GATE NG ISANG PAARALAN SA GAMU

Cauayan City – Wasak ang harapang bahagi ng isang closed van matapos na sumalpok sa poste ng isang gate ng paaralan, gabi nitong ika-walo ng Marso sa Junction Upi, Gamu, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Gamu Police Station, ang nabanggit na sasakyan ay minamaneho ni Clarence Gumaru, bente dos-anyos, sakay ang isang disi nuebe-anyos na si John Rey Miane, pawang residente ng lungsod ng Santiago.

Lumalabas sa pagsisiyasat ng pulisya na nakaidlip umano ang driver na si Gumaru habang binabaybay ang kahabaan ng Gamu-Roxas road partikular na sa nabanggit na barangay.

Napansin umano ni Miane na nakaidlip si Gumaru at sasalpok na sila sa kongkretong poste ng gate ng paaralan kaya naman napasigaw umano ito.

Sinubukan pang pumreno ni Gumaru upang pigilan sana ang pagsalpok subalit bumangga pa rin sila sa poste ng gate.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang harapang bahagi ng sasakyan at sa kabutihang palad, hindi naman nasaktan ang dalawang lalaki.

Facebook Comments