ISANG CASHIER SA LUNGSOD NG CAUAYAN, PATAY MATAPOS MAGBARIL SA ULO

Cauayan City – Kinitil ng isang lalaki ang kanyang sariling buhay matapos nitong magbaril sa ulo sa Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, nakatanggap sila ng tawag hinggil sa natagpuang katawan ng isang lalaki sa isang apartment sa nabanggit na lugar.

Ang biktima ay kinilala sa pangalang “Mar”, hindi niya tunay na pangalan, 29-anyos, cashier, at naninirahan sa nabanggit na lugar.

Sa inisyal na pagsisiyasat, napansin umano ng kaibigan ng biktimang si “Mar”, na wala ito sa kanilang apartment dahilan upang hanapin niya ito.

Pagsapit ng gabi, nagtungo ito sa ikatlong palapag ng kanilang apartment at nang kanyang buksan ang pinto ng isang kwarto, tumambad sakanya ang duguan at wala ng buhay na katawan ni alyas “Mar” sa kama.

Natagpuan sa tabi ng biktima ang isang long firearm na may magazine at naglalaman ng 26 na bala.

Kaagad itong humingi ng saklolo sa kanilang mga katrabaho at sa mga awtoridad, at sa ginawang pagsisiyasat, napag-alaman na may tama ito ng baril sa kanyang sintido.

Dagdag pa rito, may nakita rin umanong suicide note sa isang lamesa na nasa tabi ng biktima.

Samantala, maliban sa baril at suicide note, narekober rin sa pinangyarihan ng insidente ang isa pang magazine na may lamang 29 na piraso ng bala, 7 basyo ng bala, at dalawang cellphone.

Facebook Comments